Tuesday, June 8, 2010
Aritmitik ng Kalikasan
Essay Writing Contest
1ST PLACE DIVISION LEVEL ENVIRONMENTAL SCIENCE CAMP
2ND PLACE REGIONAL LEVEL ENVIRONMENTAL SCIENCE CAMP
ARITMITIK NG KALIKASAN
JOHN NICOLE RELOZA
IV – JUPITER
ROLLY B. CAIDIC
TRAINOR / COACH
Kalikasan – Polusyon + Kabataan X Edukasyon ÷ Teknolohiya = Pag-asa
Madali lang ang pormula upang makamtan ang pag-asang iligtas sa kapahamakan ang ating mundo. May mga bagay na dapat tanggalin, mga mahahalagang taong dapat idagdag, mga salik na kailangan paramihin at paglikha ng kapaki-pakinabang na bagay upang ang kaayusan ay mapanatili. Hindi kumplikado kung titingnan ngunit nakalulungkot mabatid na tila isang napakahirap na math problem ang kinakaharap ng ating Inang Kalikasan.
Lason sa dagat + Kalbong kagubatan + Sulasok sa himpapawid = Delubyo
Delubyo ang bunga sa lahat ng pagmamalabis at kapabayaan na sinukli natin sa ating likas na yaman. Patunay rito ang dalawang napakalakas na kalamidad na sina Bagyong Ondoy at Pepeng. Nagbagsak ito ng tubig na umabot sa 341.33mm, sa loob ng anim na oras lamang, katumbas ito ng tatlong buwang ulan. Umabot sa bilyun-bilyong halaga ng ari-arian ang napinsala at P85 dito ay sa CALABARZON pa lamang.
Polusyon – Tubig – Lupa – Hangin = Likas na Yaman
Sa bawat lason na naitatapon sa dagat, sa bawat hektaryang kagubatan na nakakalbo at sa patuloy na pagkalat ng nakasusulasok na hangin sa himpapawid, patuloy ang pagsadlak natin sa karimlan. Patunay dito ang pagsasaliksik ng mga siyentipiko na wala na umanong malinis na tubig na maiinom sa taong 2025, isa’t kalahating hektarya ng kagubatan ang nakakalbo kada segundo at 7.3 magnitude na lindol umano ang tatama sa Metro Manila. Lubusan nang kailangan na magtulungan at magkaisa upang paghandaan ang mga darating pang mga hamon ng panahon.
Kabataan X Komunidad X Pamahalaan = Pag-ahon
Pagtutulungan ang daan upang malampasan natin ang pagsubok na ito. Kabataan na magiging simula ng hakbangin. “Kapayapaan, Kalikasan, Kabataan… para sa kinabukasan. Kapit bisig sa daigdig… Kabataang mulat ang sagot”… tulad ng awit at mensahe ng yumaong si Francis Magalona, katuwang ang mga kabataan sa pagbangon ng kalikasan. Pati na rin ang komunidad na gagabay at pamahalaan na magbibigay suporta. Katuwang pa ang media sa pagpapakalat ng impormasyong sandata natin sa simula ng pagbabago. Kailangan nating tutukan ang sitwasyon at iprayoridad ang mundo. Sabi nga ng dating Bise-Presidente ng Amerika na si Al Gore, “I’ve given up my elective politics to try and save the planet”.
Edukasyon + Paghahanda = Pagbangon
Solusyon ang edukasyon sa simula ng pagbabago. Ito’y isang matibay na katuwang laban sa kakulangan sa pagkain at pagbagsak ng ekonomiya. Pagtaas ng tubig sa Laguna De Bay ng anim na talampakan at pagtaas ng temperatura kada taon ng isang sentigrado… ito ang bumabangungot sa ating mundo. Dahil dito nagsagawa ng mga programa ang pamahalaan tulad ng pagkakatatag ng Commission on Climate Change. Ito’y naglalayong protektahan ang ating bansa sa mga epekto ng global warming.
Teknolohiya ÷ Talino = Solusyon
Gamitin natin ang ating talino upang gumawa ng mga luntiang teknolohiya – isang rebolusyon laban sa polusyon at pagkagunaw ng daigdig. Halimbawa sa mga makabuluhang imbensyong ito an gang floating toilet sa Bataan, wind mill ng Batanes, water fueled car ng Mandaluyong at E-jeep sa Makati. Kung ipagpapatuloy lang natin ang paglikha ng mga ito, hindi malayong masolusyunan nating ang giyerang ito.
Pagkakaisa + Magandang Hangarin = Minimithing Kalikasan
Sa pagtanaw sa dako pa roon, liwanag ang siyang matatanaw, liwanag na patungo sa pagkahilom ng sugatang si Inang Kalikasan. Nasa ating mga berdeng kamay ang sagot sa tila napakahirap na aritmitik na ito. Panahon na upang tayo ay kumilos! Labanan ang giyera ng pagbabago ng panahon! Hindi pa huli ang lahat. Ang ating pananalig sa Panginoong Lumikha ng lahat at sarili nating paggawa ang siyang susi sa muling pagkabuhay ng nag-iisa nating tahanan – ANG MUNDO.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment